Ang katahimikan ay isang kubling pagsang-ayon sa pamamaraan ng pamumuno. Ang pag-iingay at pagbatikos ay pahayag lamang ng hindi pagsang-ayon sa kasalukuyang kalakaran.
Kaakibat ng panukalang pananahimik, may ilang nagsasabing mainam daw na maging mistulang tupa si Juan dela Cruz- maamo, kapakipakinabang, at higit sa lahat, masunurin sa anumang kagustuhan ng kanyang pastol- kaya kahit na sinong tupa, madaling gatasan, madaling katayin.
Madaling pamunuan ang mga tupa; hindi mahirap maging pastol. Maliit din ang halagang kailangang iupa sa pastol. Kung mapaghinalaan siyang nagnakaw ng kahit isang basong gatas, madali rin siyang itiwalag ng kanyang panginoon.
Ang Pilipinas ay hindi lamang isang malaking damuhan kundi isang bansang isinilang sa kagitingan ng mga anak ng bayan. Si Juan dela Cruz ay hindi tupang gagatasan lamang at kakatayin paglaon kundi isang sambayanang kumakatawan sa tunay na panginoon ng sinumang naluklok sa hapag ng kapangyarihan.
Mahirap pamunuan ang isang bayang gaya ng Pilipinas; hindi madaling tugunan ang adhikain ng isang lahi. Malaki rin naman ang kailangang iupa sa sinumang mamumuno- hindi lamang salapi, kundi kapangyarihan. Hindi magiging madali kailanman ang manatili sa pamumuno, lalo na kung ang tiwalang pinanghahawakan ay ninakaw lamang sa natutulog na panginoon.
Ang sambayanang ninakawan ng tiwala, kaluluwa at pangarap, kailanman ay hindi matatahimik. Lalaging sumbat sa budhi ng pinuno ang kataksilan, kagahamanan, at panlilinlang na isinukli niya sambayanang kusang nahimbing upang malaya niyang mapasok ang pinto ng palasyo.
Ngayong namulagat na ang sambayanan sa alingasngas na likha ng katiwaliang isinulong ng panauhin sa palasyo, bakit kailangang manahimik? Nilimot na ba ang katotohanang ang sambayanan ang tunay at likas na panginoon ng sinumang naghahari-harian?